Iginiit kahapon ni Pangulong Arroyo na dapat panagutin ang may-ari ng Sulpicio Lines sa trahedyang sinapit ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars noong Sabado sa Sibuyan island, Romblon.
Sa ginanap na video conference mula sa Washington, DC kahapon ng madaling araw, sinabi ni Pangulong Arroyo na mayroong nilabag ang Sulpicio Lines dahil sa ginawang paglalayag ng barko nito sa kabila ng masamang panahon bunga ng bagyong Frank na naging dahilan ng paglubog nito.
“We are holding the ferry company accountable,” wika pa ng Pangulo sa kanyang speech sa harap ng US-Asean Business Council at US Chamber of Commerce.
Iniutos na rin ng Pangulo ang malalimang imbestigasyon at nais niyang malaman kung paano nangyari ang trahedya upang hindi na maulit ang pangyayaring ito sa hinaharap lalo kapag mayroong bagyo at masama ang panahon.