Kinansela kahapon ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang 83 domestic flights sanhi ng patuloy na pagsungit ng panahon dulot ng malakas na bagyong Frank.
Sa inilabas na flight advisory ng MIAA dakong alas-2 kahapon ng hapon, kanselado ang 26 na domestic flight ng Cebu Pacific, Asian Spirit 8, Sea Air 21, Philippine Air Lines 16, at Air Philippines 12.
Wala namang apektadong flight ang international flight subalit patuloy na minomonitor ang kalagayan ng panahon.
Ayon kay Engr. Bing Lina, Operations Chief ng MIAA, nagsasagawa ng contingency measures ang MIAA sakaling dumaan ang bagyo sa Metro Manila.
Idinagdag pa ni Lina na wala pang tiyak na schedule kung kailan lilipad ang mga kanseladong flights.
Samantala, napag-alaman na magkakaroon ng emergency meeting ang PAL para sa posibleng gawing evacuation sa lahat ng kanilang aircraft upang dalhin sa isang ligtas na lugar kung patuloy na susungit ang panahon. Nasa standby status ang lahat nitong piloto. (Butch Quejada)