Judge na nagmaltrato ng maid nakalusot
Ligtas na sa parusang 12 taon na pagkakabilango ang isang babaeng huwes na inakusahan ng pagmamalupit sa dalawang katulong na menor de edad batay sa isang kautusang ipinalabas ng Court of Appeals.
Sa desisyon ng CA Special 16th Division, binaligtad ang ipinataw na parusa ng Quezon City Regional Trial Court sa kontrobersiyal na lady judge na si Adoracion Angeles ng Caloocan City RTC Branch 121.
Si Angeles ay unang inireklamo ng dalawa niyang dating mga katulong ng paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Kinilala ang dalawa na sina Proclyn Pacay, 13 at ng inaanak na si Nancy Gaspar, 16.
Sa reklamo ni Pacay, nagdanas siya ng pagmamalupit at pananakit sa kamay ni Angeles noong Enero 19, 1995 hanggang Marso 2, 1995.
Kabilang umano ang madalas na pananampal, panununtok sa sikmura, pananadyak sa ulo ng nasabing hukom sa tuwing siya ay may kaunting pagkakamali bukod pa umano sa panghihiya sa kaniya sa harapan ng mga tao.
Sa pagpapawa lang-sala kay Angeles, nilinaw ng CA na bigo ang prosekusyon na patunayan ang akusasyon laban sa hukom bukod sa kuwestiyunable ang ebidensyang medical certificate. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending