Matapos maputol ang komunikasyon, muling ku montak sa mga negosyador ang bihag na si ABS-CBN reporter Ces Drilon para hilinging palayain na sila ng kaniyang crew at tuloy magpabili ng tissue paper.
Nakiusap din si Drilon sa mga kidnappers na payagan ang isa pang hostage na si Mindanao State University Prof. Octavio Dinampo, 56, na makausap ang kaniyang pamilya.
Nabatid na nagpadala na ang pamiya ni Dinampo ng mga gamot para sa sakit nitong arthritis at hypertension.
Maliban kina Ces at Dinampo kasama pa sa natitirang bihag ang cameraman ng ABS-CBN na si Jimmy Encarnacion.
Sa impormasyon, balak umano ng mga kidnaper na paisa-isa ang pagpapalaya sa mga bihag bilang paghahanda sa napaulat na operasyon ng militar, bagay na itinanggi ni AFP Chief of Staff Gen. Alexander Yano.
Pawang mga batang miyembro umano ng Abu Sayyaf ang gumuguwardiya sa mga hostage.
Sinasabing hindi tumitigil si Indanan Mayor Isnaji Alvarez sa pakikipag-ugnayan kina Abu Sayyaf leader Albader Parad at Umbra Jumdail alyas Doctor Abu. Si Alvarez ang napiling emisaryo ng mga Abu Sayyaf.
Sinasabing humihingi ng tig-P10 milyon ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan ng bawat hostage subali’t umaabot na umano ito sa P50M dahil maraming nakikisawsaw na ibig makibahagi sa ransom. (Joy Cantos)