Umapela kahapon ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kina Justice Secretary Raul Gonzales at Bureau of Corrections head Oscar Calderon na atasan ang Davao Penal Colony head na palayain na ang isang broadcaster na nagpiyansa na para sa kaso nitong libelo kaugnay sa tinaguriang Davao Burlesque King scandal.
Ayon kay Rowena Paraan, secretary-general ng NUJP, binalewala ni Davao Penal Colony warden Supt. Benjo Tesoro ang piyansang inilagak ni Alexis Adonis dahil sa ikalawang kasong libelo na isinampa sa kanya ng isang babae na nasangkot sa Burlesque King scandal.
Nakulong si Adonis matapos mapatunayang guilty sa kasong libelo na isinampa dito ni House Speaker Prospero Nograles subalit dapat ay lumaya na ito noong Pebrero sa pamamagitan ng parole subalit kinasuhan muli siya ng libelo ng babaeng tinukoy niya sa Davao Burlesque King scandal.
Iniutos ni Judge George Omelio ng Regional Trial Court branch 14 na maglagak ng piyansang P5,000 si Adonis para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa ikalawang libel case nito subalit tumanggi si Supt. Tesoro dahil ipapaalam daw muna niya ito sa “higher authorities”.
Nahatulang mabilanggo si Adonis sa kasong libelo na isinampa ni Speaker Nograles dahil sa series ng commentaries nito na isang kongresista ang tumakbo daw ng hubot hubad sa isang hotel sa Davao matapos silang mahuli ng mister ng kanyang “girlfriend”. (Rudy Andal)