Inilunsad kamakalawa ni Pasig City Mayor Robert Eusebio ang kanyang Hospice Home Care Program upang arugain ang mga may kapansanan at maralitang walang kakayahang makamit ang kahit kaunting ginhawa sa buhay.
Sinabi ng punong lungsod na inatasan niya ang lokal na health department na ilista ang lahat ng mga maralitang may malubhang karamdaman at tanungin ang mga ito kung ano ang gusto nila upang guminhawa ang kalagayan. Ayon sa mayor, nagulat siya kung gaano kasimple ang hiling ng mga maysakit, at agad niyang ipinabili ang mga ito. “Ang gusto lang nila sa buhay ay kutson, diapers, benti lador. Kaya ba natin silang biguin?” pahayag ng mayor.
Kasama ang maybahay na si Maribel at iba pang opisyal ng lungsod, personal na pinangunahan ni Mayor Eusebio ang pamamahagi ng mga hiling na bagay ng mga maysakit at karamihan sa tumanggap ay mga kaanak na lamang ng mga maysakit dahil hindi na makabangon ang karamihan sa mga ito.
Ang unang grupo ng mga nakatanggap ay nakamit ang kani-kanilang hiling na wheelchair, kutson, bentilador, gamot, nebulizer, diapers, saklay at walker. Sinabi ni Mayor Eusebio na magiging tuloy-tuloy na ang Hospice Program.