Nagpahayag na ng pagtutol ang Simbahang Kato liko sa isyu ng muling pagbuhay sa batas na nagpapataw ng parusang kamatayan, sa kabila ng pagtaas ng kaso ng karumal-dumal na krimen sa bansa, sa kasalukuyan.
Sinabi kahapon ni Pampanga Archbishop Paciano Aniceto na ang tunay na solusyon sa mga matitinding problema sa bansa ay kailangang magmula mismo sa loob ng pamilya at pagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay.
“Hindi solusyon iyan (death penalty) eh. Napakadaming nasa maximum security, mayroong death penalty, eh hindi naman tumitino ang sosyedad,” pahayag ni Aniceto.
Naniniwala si Aniceto na ang kawalan ng sapat na gabay sa pamilya at kakulangan sa mga karakter na magagaya sa magulang ang siyang dapat pagtuunan ng pansin. Isa na rito ang pangingibayong dagat ng mga magulang at iba pang kaso ng hiwalayang mag-asawa kaya nagmimistulang “featherless generation” ang umiiral ngayon.
Dapat aniyang, bigyan ng pagkakataon ang sinumang nagkasala na makapagnilay at magbago mula sa kaniyang mga nagawang kasamaan.
Ang panukalang ibalik ang death penalty ay lumutang nang dahil sa magkakasunod na insidente ng patayan sa bansa partikular ang holdap/masaker sa 10 katao sa RCBC sa Cabuyao, Laguna. (Ludy Bermudo)