P20 umento kulang

Nagpahayag ng pagka-diskuntento ang pamunuan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa ipagkakaloob na P20.00 na dagdag sweldo sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR). 

Sinabi ni Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, masyadong nakakainsulto ang dagdag sahod dahil masyadong maliit ang halagang ito kung isasaalang-alang ang presyo sa ngayon ng mga pangunahing bilihin, bigas, langis at iba pa.

Dahil dito, nanindigan ang KMU para sa pagbuwag sa wage boards. Hinamon din ni Suyat si House Speaker Prospero Nograles para sa agarang pagpasa sa panukalang P125 across the board wage increase.

Nagbanta si Suyat na ang dagdag sweldong P20 ay hindi makapagpapatahimik sa kanila bagkus ay lalo pang magpapalakas sa mga susunod nilang mga pagkilos o protesta laban sa wage boards at pamahalaan.

Kahapon ay pinal ng inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region ang dagdag na P20 umento.

Ito ay kinabibilangan ng P15 dagdag sa basic pay at P5 sa cost of living allowance o COLA. (Angie dela Cruz/Doris Franche)

Show comments