Isusulong ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na suspindihin ng anim na buwan ang expanded value added tax lalo na sa mga produktong petrolyo dahil naghihirap na ang mga mamamayan.
Sinabi ni Pimentel, maituturing na nasa isang “emergency situation” ang bansa kaya marapat lamang na alisin na muna ang EVAT na lalong nagpapahirap sa taumbayan at nagiging dahilan upang tumaas lalo ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Naniniwala si Pimentel na malaki ang maitutulong sa pamumuhay ng mga mamamayan kung pansamantalang tatanggalin ang EVAT kahit sa loob lamang ng anim na buwan kung saan maaring gumanda ang ekonomiya ng bansa.
Nauna nang naranasan ng bansa ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na sinasabayan naman ngayon ng paglobo sa presyo ng gasolina na umaabot na sa P50 bawat litro.
Bagaman at palaging iginigiit ng Malacañang na walang kakulangan sa suplay ng bigas, iba naman ang nararamdaman ng mga mamamayan dahil hindi bumababa ang presyo nito.
Kumpiyansa si Pimentel na bababa ang presyo ng pagkain at maging ng langis kung pansamantalang tatanggalin ang 12% EVAT.
Ilang senador na rin ang nagmungkahi sa Senado na tanggalin na lamang muna ang EVAT lalo na sa langis.