Nanawagan kahapon si First Gentleman Mike Arroyo sa mga iskolar ng kaniyang Bagong Doktor Para sa Bayan project na pumunta at magsilbi sa mga mahihirap, lalo na sa mga nasa kanayunan, oras na sila ay maging ganap na doctor.
“Huwag ninyo akong pasalamatan. Wala akong inaasahang pasasalamat mula sa kaninuman. Basta’t gumawa lang kayo ng kabutihan sa iba sa halip na lumabas kayo ng bansa. Magsilbi kayo sa kanayunan. Sa ganoong paraan, nakapagpasalamat na kayo sa akin,” ayon sa Unang Ginoo.
Ginawa ni Ginoong Arroyo ang panawagan sa naunang 20 iskolar ng proyekto na nakatakda nang kumuha ng medical board exams sa Agosto sa isang tanghalian sa Malacañang.
Sinabi rin ni Ginoong Arroyo na hindi lamang ang mga iskolar kundi pati na ang kanilang mga magulang ang dapat batiin dahil sa kanilang matagumpay na pag-aaral. Umapila siya sa mga iskolar na kung maaari ay magtagal pa sa dalawang taong paninilbihan sa kanayunan na kasama sa mga kondisyones ng proyekto.
Nagtapos ang mga iskolar sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at sa UP-Manila.