Hinahanap ni Senador Aquilino Pimentel Jr. ang P28 bilyong pondong inilaan para sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na ayon sa senador ay biglang nawala at parang minadyik ng administrasyon ni Pangulong Gloria Arroyo.
Sinabi ni Pimentel na dapat linawin muna ng Palasyo kung saan napunta ang P28 bilyong nabawi ng pamahalaan sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos na inilaan ng naturang program.
Kung hindi aniya mapapatunayan ng Department of Agrarian Reform (DAR) kung saan napunta ang naturang pondo, maaaring kapanipaniwala ang alegasyon ng ilang grupong magsasaka na ginamit ang salapi sa nakaraang 2004 presidential elections.
“Dapat matiyak natin na ginamit nang tama ang lahat ng pondong inilaan sa CARP. Pero, hanggang ngayon wala pa tayong nakikitang ganito dahil kapag nanganganib ang buhay ng CARP, palagi na lamang silang humingi ng pondo upang buhayin ang programa,” paliwanag ni Pimentel.
Muli umanong humihingi ang DAR ng halagang P162 bilyong pondo upang tuluyan nang makumpleto ang implementasyon ng CARP.
Pero walang malinaw na pagkukunan ang pamahalaan upang pondohan ang pagpapatutuloy ng programa sa kabila nang bilyon-bilyong piso ang nailaan ng Kongreso sa pagpapatupad ng programa. (Malou Escudero)