Inamin ng Department of Agriculture na aabutin ng hanggang Oktubre ng taong ito ang pagtaas ng halaga ng mga produktong karne ng baboy at manok sa bansa.
Ginawa ni Agriculture Assistant Secretary Salvador Salacup ang pagtatapat na ito dahil sa naging pagbaba anya ng suplay ng naturang mga produkto sa bansa.
Bunsod nito, mananatiling nasa P170 hanggang P180 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy samantalang P120 kada kilo ang karne ng manok.
“Nagkaroon kasi ng sakit sa major producing areas sa Region 3 and 4-A. Nagkaroon ng respiratory diseases ang biik sa lugar na nabanggit, ang karneng baboy takes six to seven months bago ma-harvest yan,” paliwa nag ni Salacup.
Sinabi nito na ang pangyayaring ito ay naka apekto sa presyo ng manok nang mag-shift sa paggamit ng karne ng manok ng mga consumers. Anya ang karne ng manok na naibebenta sa halagang mula P110 hanggang P115 kada kilo ay naibebenta ngayon sa halagang P120 kada kilo.
Niliwanag ni Salacup na gumagawa na ng paraan sa ngayon ang DA kung paano mapapababa ang halaga ng produktong karne ng manok.
Samantala, ang presyo naman anya ng isda at mga gulay ay nananatiling matatag. Anihan na anya ngayon ng mga gulay mula sa mababa at patag na lupain sa bansa.
Nananatili naman anyang naglalaro sa halagang P80 hanggang P90 ang kilo ng isda sa mga palengke at iba pang pamilihan. (Angie dela Cruz)