Inutusan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Department of Agriculture (DA) na dagdagan nito ang mga retail outlets na magbebenta ng murang NFA rice sa halagang P18.25 at P25 per kilo sa Metro Manila.
“These 400,000 families need our help in order to cope with the high cost of our basic staple. I want the DA ensure that they have access to affordable rice from NFA,” wika ni Pangu long Arroyo.
Aabot naman sa 2,500 outlets ang target ng DA sa Metro Manila sa susunod na buwan upang lubos na makaabot sa mahihirap ang ibinebentang murang bigas ng NFA, wika pa ni DA Sec. Arthur Yap.
Sa nakaraang Cabinet meeting na ginanap habang lulan sila ng RORO caravan mula sa Jagna, Bohol patungong Camiguin island, iniulat ni Sec. Yap na ang target ng NFA ay 400 rolling stores sa Metro Manila, 146 na Tindahan sa Parokya at 1,390 Tindahan Natin outlets.
Bukod dito, target din ng DA ang 324 Institutionalized Bigasan ni Gloria sa Palengke na pamama halaan ng NFA, 242 outlets na ang Local Government Units ang mamamahala at 9 NFA stationary stalls na pawang ang ititinda lamang ay ang NFA rice. (Rudy Andal)