Itinanggi kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino Q. Pimentel, Jr. na magkakahati-hati ang Pilipinas sa sandaling maging federal ang sistema ng gobyerno.
Ayon kay Pimentel, mas magkakatulungan ang 11 component states habang mararanasan naman nila ang full autonomy sa paggamit ng kanilang sariling resources.
Naniniwala si Pimen tel na mas magiging madali ang pag-unlad ng 11 component states katulad nang nangyayari sa ibang bansa na federal ang sistema ng gobyerno.
“The possible balkanization of the Philippines is the usual argument that is raised against the federalism proposal. But as far as we know, there is no country which has federalized voluntarily that has broken up. On the contrary, they have made a quantum leap in terms of economic development,” ani Pimentel.
Ayon pa kay Pimentel, ang overcentralization ng kapangyarihan ng gobyerno sa isang unitary system katulad nang nararanasan ngayon ng Pilipinas ang nagiging dahilan pa para magkawatak-watak ang bansa.
Inihalimbawa nito ang problema ng Mindanao na naiisantabi dahil mas napagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang mga probinsiyang nasa Luzon.
Nakapaloob sa Resolution 10 sa Senado na 80 porsiyento ng buwis ay paghahati-hatian ng mga federal states samantalang ang 20 porsiyento ay mapupunta sa Central (federal) government.
Plano ring magbuo ng isang multibillion peso equalization fund na gagamitin sa pagtulong sa mga hindi maunlad na federal states.
Ayon pa kay Pimentel, umabot na sa 16 na senador ang sumusuporta sa Resolution 10 na naglalayong amiyendahan ang Konstitusyon at mas marami pang senador ang nagnanais na lumagda sa resolusyon. (Malou Escudero)