Matapos ang halos tatlong buwan ng pagkakalagak sa morgue ay nakatakda nang iuwi sa bansa ang bangkay ng isang Pinay domestic helper na nag-suicide sa United Arab Emirates (UAE) sanhi ng matinding depresyon.
Nabatid na nag-solicit ng pondo ang mga opisyal ng Philippine Consulate at ang komunidad ng Filipino Muslim doon para maiuwi ang labi ni Noraida Ayunan, 27 anyos, sa Cotabato.
Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA), si Ayunan ay tumalon sa isang gusali sa Sharjah noong Pebrero 6, 2008 habang nagbabakasyon umano ang mga employer nito.
Alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim ang kanilang mga patay ay kailangang mailibing sa loob ng 24 oras pero dahilan sa kawalan ng pera ay nagtagal sa morgue sa Sharjah ang labi ng nasabing Pinay. (Joy Cantos)