Masusing tinitingnan ngayon ng Manila Police District (MPD) ang posibilidad na may kinalaman umano ang isang gubernatorial bet sa Mindanao region sa pagkakapaslang kina Comelec legal officers Alioden Dalaig at Wynne Asdala noong Nobyembre 2007 at Marso 2008, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ayon sa ilang sources sa MPD, ang inarestong suspek na si Police Officer 1 Basser Ampatuan ay dating nagsilbi rin bilang bodyguard ni former Sultan Kudarat Mayor Tocao Mastura.
Si Mastura ay kumandidato sa pagka-gobernador ng Sharrif Kabunsuan province noong 2007 election subalit sinasabing natalo kay Datu Bimbo Sinsuat at naghain ng election protest kung kaya hindi pa rin maiproklama ang huli hanggang sa ngayon.
Bukod kay Ampatuan, isa pang dating miyembro ng Maguindanao Provincial Police Office, na nakilala lamang sa alyas Julius Erving ang pinaghahanap ng pulisya dahil dawit din umano sa Dalaig at Asdala murder.
Sa impormasyong nakalap ng MPD, maging si Erving ay naging security escort ni Mastura at natanggal sa serbisyo dahil nag-AWOL at sangkot din umano sa iba’t-ibang mga kaso.
Una nang inilutang ng pulisya na posibleng may kinalaman sa kanilang trabaho, partikular ang paghawak sa iba’t-ibang election related cases ang motibo sa pagpaslang kina Dalaig at Asdala.
Dahil maraming kasong hihinawakan ang dalawa sa Comelec, hirap ang pulisya na matukoy kung sino ang posibleng mastermind hanggang sa matunton sa pamamagitan ng “surveillance video” ng isang casino si Ampatuan.
Samantala, tinangkang kunin ng PSNGAYON ang panig ni Mastura hinggil dito subalit nabigo ang reporter na ito. (Doris Franche)