Isinisi kahapon ng grupo ng mga magsasaka sa Pilipinas ang kapalpakan ng pamahalaan sa maayos na pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na sanhi ng pagiging kulelat at pagkakaroon ng krisis sa produksyon ng bigas ng bansa sa kasalukuyan.
Sinabi ni Joel Jaquinta, kinatawan ng Dagyaw ARB Action Center sa lalawigan ng Negros, palpak ang ginawang programa ng pamahalaan sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang benepisaryo ngunit hindi naman nilaanan ng tulong pinansyal bilang puhunan sa pagbili ng binhi, walang tulong sa irigasyon at hindi rin nilaanan ng sapat na pagsasanay sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim.
Sa halip na maging produktibo ay nakatiwangwang na lamang ang limang ektaryang ipinamamahagi sa mga magsasaka habang ang iba ay napilitan nang ibenta ang lupain at muling mamasukan sa isang may-ari ng mga sakahan. Panawagan ng mga magsasaka, kailangan ng ibayong suporta buhat sa pamahalaan dahil hindi sapat ang “land distribution” lamang.
Base sa Global Agriculture Information Network ng Estados Unidos, pinakamahal na ngayon ang bigas sa Pilipinas kumpara sa Thailand at Vietnam na pinanggalingan ng inaangkat nating bigas.
Noong 1960, ang Pilipinas ang nangunguna sa produksyon ng bigas. Tanyag din ang mga Pilipino na siyang pinakadalubhasa sa agricultural technology kung saan sa International Rice Research Institute (IRRI) sa UP Los Baños, Laguna nag-aral ang mga agriculturists mula Thailand, Vietnam, China, at iba pang bansa. (Danilo Garcia)