Hindi kami nanghaharang - PNP
Inihayag ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., na matagal nang hindi nang haharang ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ng mga truck ng bigas at mga biyahero ng pagkain sa mga inilatag na checkpoint.
Sinabi ni Razon na umpisa pa lamang ng pakikipagpulong ng PNP sa mga vegetable dealers at iba pang mga negosyante ng nagbibiyahe ng mga pagkain ay ipinagbawal na nila ang panghaharang ng mga pulis sa checkpoint kaugnay ng pinalakas na kampanya laban sa mga binansagang “kotong cops.”
Gayunman, sinabi ni Razon na batay sa inilabas na direktiba ni Pangulong Arroyo, muli niyang papaalalahanan ang mga tauhan nito na hindi dapat iantala ang biyahe ng bigas paluwas ng Metro Manil upang mapabilis ang serbisyo sa mamamayan.
Nangako rin ang PNP Chief na ipagpapatuloy ang maigting na kam panya kontra sa pangongotong sa mga biyahero upang hindi madagdagan ang gastusin ng mga negosyante at hindi ito makadagdag sa ipinapataw nilang presyo ng kanilang mga produkto.
Magugunita na dumulog kay Razon ang mga biyahero ng pagkain dahilan umano sa nararanasang talamak na pangongotong sa mga checkpoint kaya halos wala na silang kinikita sa kanilang mga negosyo.
Muli namang binalaan ni Razon ang mga pulis na mahaharap sa kaukulang kaparusahan ng batas kapag nangotong sa mga biyahero ng bigas at iba pang produkto. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending