Sinigurado kahapon ng dalawang senador na itutuloy nila ang mga imbestigasyon sa lahat ng anomalyang nangyayari sa administrasyon ni Pangulong Arroyo upang makabuo ng panukalang batas at hindi maulit ang katiwalian.
Ayon kay Sen. Mar Roxas, hindi maaaring itigil ang imbestigasyon sa mga anomalyang nangyayari sa pamahalaan kabilang na ang krisis sa bigas sa bansa.
Ayon kay Roxas, hindi aniya dapat gamitin ang krisis sa bigas o mga pangunahing pagkain para lang itigil ang imbestigasyon sa mga anomalya at para magkaroon na naman ng pagkakataon na gumawa ng kababalaghan ang ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.
Ang kailangan umano ay sabihin na ng gobyerno sa taumbayan kung ano talaga ang tunay na nangyayari ngayon sa bansa.
Sinabi naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na nakatakda nang simulan ang imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang North Rail at South Rail Project, Gift-Giving sa Palasyo at swine scam sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Cayetano, nagpadala na ang Blue Ribbon Committee ng imbitasyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang masimulan ang imbestigasyon sa North at South Rail Projects.
Nagpadala na rin ng imbitasyon ang naturang komite sa ilang personalidad na nagbigay at tumanggap ng cash gift mula sa Palasyo. (Malou Escudero)