Pagsuspinde sa Biofuel Act ok sa M’cañang

Pinag-aaralan ngayon ng Malacañang ang pag­suspinde sa Biofuel Law sa harap na rin ng patuloy na krisis sa pagkain sa buong mundo kung saan ay direk­tang apektado rin ang Pilipinas. 

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lo­relei Fajardo, pinag-aara­lan ng Palasyo ang mung­kahi ni Sen. Rodolfo Bia­zon na pansamantalang suspindihin ang Biofuel program ng pamahalaan upang tutukan muna ang food production. 

Wika pa ni Usec. Fajar­do, bukas si Pangulong Arroyo sa anumang mga mungkahi upang maluna­san ang kinakaharap na­ting probelma at upang mapigilan din ang anu­mang pagtataas sa presyo ng mga pagkain lalo ng bigas. 

Sa nasabing Biofuel program ay pinagkukunan ng langis ang mais kaya kung masususpinde ang nasabing programa ay puwedeng maging alter­natibong pagkain ito ng Pilipino habang may krisis tayo sa bigas. 

Sinabi pa ni Fajardo, sa halip kasing mataniman ng mga palay o mais ang mga lupain ay tinataniman ito ng mga jathropa o tuba-tuba. 

Tiniyak din ng Palasyo na nananatiling kontrolado ng gobyerno ang sitwas­yon kahit mayroon tayong problema sa supply ng bigas at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo. (Rudy Andal)

Show comments