Pagsuspinde sa Biofuel Act ok sa M’cañang
Pinag-aaralan ngayon ng Malacañang ang pagsuspinde sa Biofuel Law sa harap na rin ng patuloy na krisis sa pagkain sa buong mundo kung saan ay direktang apektado rin ang Pilipinas.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo, pinag-aaralan ng Palasyo ang mungkahi ni Sen. Rodolfo Biazon na pansamantalang suspindihin ang Biofuel program ng pamahalaan upang tutukan muna ang food production.
Wika pa ni Usec. Fajardo, bukas si Pangulong Arroyo sa anumang mga mungkahi upang malunasan ang kinakaharap nating probelma at upang mapigilan din ang anumang pagtataas sa presyo ng mga pagkain lalo ng bigas.
Sa nasabing Biofuel program ay pinagkukunan ng langis ang mais kaya kung masususpinde ang nasabing programa ay puwedeng maging alternatibong pagkain ito ng Pilipino habang may krisis tayo sa bigas.
Sinabi pa ni Fajardo, sa halip kasing mataniman ng mga palay o mais ang mga lupain ay tinataniman ito ng mga jathropa o tuba-tuba.
Tiniyak din ng Palasyo na nananatiling kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon kahit mayroon tayong problema sa supply ng bigas at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending