Ever Gotesco nasunog
Sugatan ang siyam na kagawad ng fire volunteer matapos na tupukin ng apoy ang gusali ng Old Ever Gotesco Emporium kahapon ng hapon sa lungsod Caloocan kung saan nag-ugat ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga motorista.
Kinilala ni C/Insp. Juan Reyes, hepe ng BFP-NCR-Operations, ang mga na-suffocate na sina Mario Mercado; Joseph Batangan; Logie Rejis; Nolan Jupercia; Ligwig Lagonson; PJ Deman at tatlong hindi pa nabatid na mga pangalan ng biktima.
Sa inisyal na report dakong ala-1:15 ng hapon nang magsimulang tupu kin ng apoy ang ikalawang palapag ng nasabing establisimiyento, na matatagpuan sa kahabaan ng Samson Road, malapit sa Bonifacio Monument Circle (BMC) ng nasabing lungsod.
Ayon sa mga empleyado, mabilis na kumalat ang apoy sa naturang palapag kung saan naka-imbak ang mga papeles at mga lumang kagamitan dito. Matatagpuan din sa nabanggit na palapag ang lumang sinehan.
Ang sunog ay naitalang Task Force Bravo at wala namang naiulat na nasawi maliban sa mga nabanggit na fire volunteer na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring inaapula ang sunog.
Kaugnay nito, napilitan namang magsara ang ilang establisimiyentong malapit sa insidente ng sunog kung saan nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa naturang lugar. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending