Tatlumpung nangungunang estudyante mula sa mga eskwelahang elementarya hanggang kolehiyo ng Las Piñas ang nakinabang sa cash incentive reward program ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Congw. Cynthia Villar.
Nagsimulang ipatupad ni Villar ang naturang papremyo walong taon na ang nakaraan bilang personal na regalo sa mga estudyanteng nagpunyagi sa kanilang pag-aaral. “Konting insentibo lang iyan pero alam ko na marami din ang nagnanais na makatanggap nito. Kumbaga, pandagdag-inspirasyon sa mga batang mag-aaral,” pahayag ni Villar.
Ang parangal ay kumikilala din sa tagumpay ng bawat estudyante sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng Sipag at Tiyaga.
Nangunguna sa listahan ng mga student achievers ngayong taon sina Louie Angelo Y. Coronel at Lavinia A. Estandarte na nagkamit ng pinakamataas na karangalan sa Dr. Filemon Aguilar Memorial College. Tumanggap ang bawat isa ng medalya mula kay Senate President Manny Villar at cash incentives mula kay Congw. Cynthia Villar.
“Ang edukasyon pa rin ang pinakamahalagang kasangkapan ng kabataan para sa isang magandang bukas. Marapat lang na gawin natin ang ating kaunting makakaya para mahikayat silang mag-aral na mabuti,” ayon pa kay Villar. (Butch Quejada)