Libu-libong katao sa lalawigan ng Zambales ang malamang na magutom bunsod ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan at kapaligiran sa lugar dulot ng walang humpay na operasyon ng isang mining company dito.
Ayon kay Danilo Merced, barangay captain ng Lomboy, Zambales, nasisira na ang kagubatan sa kanilang lugar at nawawalan na sila ng mga lupang napapagtaniman dulot ng pagkawasak ng mga likas na yaman at naapektuhan na din ang mga katubigan dahil sa operasyon ng minahan na pinangangasiwaan ng Benguet Corporation.
Binanggit pa ni Merced na dapat nang makialam ang pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang problema dahilan sa exploration permit lamang ang hawak ng naturang kumpanya sa kabila na malawakan ang ginagawang pagmimina sa kanilang lugar.
Ang naturang problema ay naiparating na ng mga residente ng lugar partikular ng mga taga Sta. Cruz, Zambales sa kanilang mga local executives kung saan makikita ang minahan.
Bilang tugon, nanawagan naman si Sta. Cruz Mayor Luisito Marty kay DENR Secretary Lito Atienza para sa kaukulang aksiyon.
Ayon kay Marty, maraming bilang na ng mga residente sa kanyang bayan ang nagrereklamo hinggil sa operasyon ng naturang mining company kaya nangangailangan na sila ng kagyat na aksiyon ni Secretary Atienza.
Ang Sta. Cruz ay isa sa mga coastal town sa Zambales na mayaman sa deposito ng nickel at iba pang mineral. Sinasabing ang Benguet Corporation ay nagsimulang mag-operate kahit walang permit mula sa DENR. (Angie dela Cruz)