Hiniling kahapon ni Agriculture Secretary Arthur Yap kay Senador Aquilino “Nene” Pimentel na mag-“public apology ito sa kanya kaugnay ng bintang nito na nagbebenta ng bigas ang kanyang biyenan.
Sa isang panayam, sinabi ni Yap na kailangang ipaliwanag ni Pimentel ang mga sinasabi nito dahil walang katotohananan ang alegasyon nito na rice retailer ang biyenan niyang si Jimmy Gaw.
Sinabi ng kalihim na napanood niya sa TV ang balitang inaakusahan ni Pimentel ang kanyang biyenan kaya agad niyang kinausap ito at tinanong kung nag-aplay para sa rice business.
“Sabi ng biyenan ko wala.. actually ang business ng biyenan ko ay textile at nakaipon siya.. napalago ang negosyo kaya naitaguyod niya na maitayo ang Uniwide warehouse club,” galit na paliwanag ni Yap
Wala din anyang conflict of interest na matatawag sa negosyo sa biyenan ni Yap dahilan sa anya ay textile business at hindi rice business ang negosyo nito.
Niliwanag ni Yap na sa katunayan anya, hiningi na niya ang tulong ng National Bureau of Investigation para ito mismo ang mag- imbestiga sa alegasyon ni Pimentel.
Nilinaw pa ni Yap na dahil sa matinding paglobo ng populasyon, nangailangan ang bansa na umangkat ng bigas sa ibang bansa.
Kaugnay nito, sinuspinde ni Yap ang dalawang provincial officers ng NFA dahil sa pagkabigo ng mga itong maresolba ang isyu ng rice hoarding at pagbebenta ng ilang tiwaling negosyante na nagbebenta sa mataas na halaga ng mga NFA rice.
Ayon kay Yap ang ginawang pagsuspinde kina NFA Isabela provincial manager Alfredo R. Paguila at NFA Isabela regional director Danilo I. Pastrana ay bahagi ng “zero-tolerance” policy ng ahensiya laban sa mga rice hoarders sa bansa.
Pero hindi hihingi ng paumanhin si Pimentel kay Yap.
“Nagtanong lang ako kung ang kanyang father-in-law, si Jimmy Gaw, ay sangkot sa rice trading. Sapagkat ayaw ko na imbestigahan kaagad ng Senado ito. If it is not true, why will we bother investigating? That will be a waste of time,” katuwiran ni Pimentel.
Naniniwala si Pimentel na walang dahilan para sa paghingi ng paumanhin dahil hindi naman niya direktang tinukoy ang pagkakasangkot ni Gaw sa rice trading kundi nagtanong lamang siya kung totoo ba ito o hindi.
Ayon pa kay Pimentel, hindi naman nasira ang reputasyon ni Yap at biyenang si Gaw dahil sa ginawa niyang pagtatanong.
“Kung hindi sangkot si Jimmy Gaw sa negosyo ng bigas, e di patay na ang isyu,” sabi ng senador.
Gayunman, sinabi ni Yap na hindi makatarungang ituturo sa kanyang pamilya o mga kaibigan ang sanhi ng umano’y krisis sa bigas nang wala naman matibay na ebidensiya. (Angie dela Cruz, Grace Amargo-dela Cruz at Malou Escudero)