Nanawagan kahapon ang may isang milyong-miyembro na Confederation of Government Employees Organizations (COGEO) sa mga senador ng oposisyon sa Senate Blue Ribbon Committee na tigilan na ang paggamit sa kapulungan bilang isang pabrika ng tsismis o rumor mill sa pamamagitan ng ZTE hearings.
Binigyang-diin nina COGEO President Florino Ibanez, Chairman Jesus Santos, Executive Vice President Bayani Aquino at Secretary General Manuel Parlada na panahon nang ibalik ang dignidad sa komite sa pamamagitan ng pagpapatigil sa mga pag-aartista ng mga testigo tulad ni Jun Lozada.
Pinuna ni Santos ang mga nalathalang ulat mula sa Senado na mula nang maging senador, ni isang panukalang batas o resolusyon ay walang binalangkas si Sen. Alan Peter Cayetano.
“Si Ginoong Cayetano ay co-author lamang sa kaawa-awang dalawa sa 2,121 bills at tatlo sa 260 resolutions na inihain sa Senado. Ngunit hindi siya nahihiyang mag-ubos ng oras sa ZTE hearings at halos sambahin niya ang mga testigo kahit na walang ebidensiya ang mga ito kundi ang kanilang mga salita,” ayon kay Ibanez.
Pinuna ni Santos na ilang buwan nang umiiyak at tumatawa si Lozada na parang isang movie comedian sa kanyang pagbato ng kung anu-anong akusasyon laban sa gobyerno ngunit hanggang ngayon, ni isang pirasong ebidensiya ay wala umanong maipakita si Lozada.
Pinuna pa ni Santos na umamin na rin si Lozada sa kaniyang mga kaduda-dudang gawain noong ito ay presidente pa ng Philippine Forest Corporation, tulad ng pag-angkat ng mga kambing na hindi naman kailangan at multi-milyong insurance deal na asawa nito ang broker.
“Subalit ni ayaw tanungin ng mga taga-Oposisyon si Lozada tungkol dito. Para sa kanila, kasing-totoo ng Salita ng Diyos ang salita ni Lozada,” dagdag pa ni Santos.