Mula nang mahalal na senador si Allan Peter Cayetano ay wala pa umano itong ginawang panukalang batas sa kabila ng napakahabang oras na inuubos niya sa mga imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan.
Batay sa dokumentong nakalap sa pinakabagong update ng Legislative Bills and Index Service ng Senado, nabatid na kahit isang resoluyon ay wala ring isinulat si Cayetano bilang pangunahing author o may-akda.
Sa kabuuang 2,121 panukalang batas at 260 resolusyon na inihain ng mga senador mula noong Hulyo 23 2007 hanggang Marso ng taong kasalukuyan, nakisawsaw lamang si Cayetano bilang co-author sa dalawang bills at tatlong resolutions.
Kahit isang porsyento ng kabuuang bilang ng mga naihaing panukalang batas at resolusyon ng mge senador ay walang naihain si Cayetano at maliban sa pagsasagawa ng imbestigasyon ay wala siyang nagawa bilang mambabatas na ang pangunahing tungkulin ay bumalangkas ng batas.
Nangunguna sa pinakamasisipag na Senador sina Miriam Defensor Santiago, na mayroong 454 bills at 47 resolutions at Jinggoy Estrada na mayroong 453 bills at 13 resolutions at pumapangatlo naman si Senate President Manuel Villar, Jr. na may bilang 259 bills at 40 Senate resolutions.
Tinalo pa nga ng tahimik na si Sen. Manuel “Lito” Lapid si Cayetano na nakapaghain ng 61 panukalang batas na siya ang pangunahing may akda.