Hindi sapat ang nalalaman ni Rodolfo Lozada sa kontrata ng ZTE ng China at ng pamahalaan sa National broadband project.
Ito ang sinabi kahapon ni Department of Transportation and Communication Assistant Secretary Lorenzo Formoso sa imbestigasyon ng Department of Justice fact-finding committee sa pamumuno ni DOJ Usec.Ernesto Pineda kaugnay sa nasabing kontrata.
Nilinaw ni Formoso na walang anomalya sa naturang proyekto taliwas sa mga isiniwalat ni Lozada.
Katwiran nito, kaya umakyat sa 329 million dollars ang proyekto ay hindi dahil sa may gustong makakumisyon kundi dahil lumaki rin anya ang masasakop ng proyekto mula sa dating 30 porsiyento, ito umano ay sasakop na sa 100 porsiyento ng bansa.
Iginiit naman ni Pineda na bagamat sapat na ang hawak nilang ebidensiya upang makabuo ng conclusion at maisumite ito kay DOJ Sec. Raul Gonzalez ay nais pa rin nilang imbitahan si Commission on Higher Education Chairman Romulo Neri upang malinawan ang ilang bagay kaugnay sa kontrata. (Gemma Amargo-Garcia)