Bureau of Fire nagpaalala sa mga bakasyunista vs sunog
Pinaalalahanan kahapon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang milyon-milyong bakasyunista mula sa Metro Manila na tiyakin ang seguridad ng kanilang mga bahay bago lisanin ito upang makaasa na may babalikan pa silang tahanan matapos ang Mahal na Araw.
Sinabi ni BFP-National Capital Region chief, Sr. Supt. Ruben Bearis na maraming in sidente na lumilisan ang buong pamilya para magbakasyon sa probinsya tuwing Mahal na Araw ngunit wala nang bahay na babalikan dahil sa natupok na ng apoy dahil sa kanilang kapabayaan.
Partikular na ipinayo ni Bearis sa publiko na tiyaking nakababa ang main safety switch ng kuryente ng bahay, hugutin ang lahat ng plug ng electrical appliances, i-double check kung sarado o may tagas ang tubo ng tangke ng “liquefied petroleum gas” at tiyakin na walang nakasinding kandila sa bahay bago tuluyang umalis.
Nagpakalat rin naman ang BFP ng mga ambulansya, doctor at emergency medical technicians mula Marso 19-23 sa North at South Luzon Expressway bilang bahagi ng “Oplan Lakbay Alalay” ng pamahalaan.
Nabatid na karaniwang nagaganap ang aksidente ng mga behikulo, marami ang tinatamaan ng “heat stroke” at paninikip ng baga sa mga bakasyunista. Ilan naman ay nagpapagamot kahit ng pinakasimpleng “sunburn”, trauma at stress.
- Latest
- Trending