Drug test sa mga sundalo inutos

Inutos kahapon ni AFP Chief Hermogenes Espe­ron Jr., ang pagsailalim sa random drug testing sa lahat ng mga opisyal at tauhan ng AFP.

Sinabi ni Esperon na walang puwang sa ser­bisyo ang mga adik na sundalo kaya dapat malinis ang kanilang hanay sa illegal na droga upang higit na maging epektibo sa ope­rasyon partikular na laban sa insureksyon at terorismo.

Ayon kay Esperon, ang random drug test ay isa­sagawa sa iba’t-ibang kampo ng militar sa buong bansa at maging ang mga kasapi ng Presidential Security Group (PSG) ay isasalang rin.

“It is very easy to detect if a soldier is a user because of his actuations. We are very strict on this police of a drug-free military,’ ani Esperon.

Ang AFP ay lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pakikipagtulungan sa operasyon laban sa sindikato ng illegal na droga na itinuturing na ring banta sa pambansang seguridad.

Sa tala ng PDEA, sinabi ni Executive Director ret. Gen. Dionisio Santiago na aabot sa 4 milyong Pilipino ang sugapa sa paggamit ng droga na itinuturing na 10 bilyong industriya sa bansa.

Sa kasalukuyan, 756 lokal at 8 international drug syndicates ang nasa watch­list ng PDEA.

Magugunita na noong Setyembre ng nakalipas na taon ay isang Army Technical Sergeant na kasapi ng Army-Intelligence Security Group (ISG) na naka­talaga sa Fort Bonifacio, Makati City ang dinismis sa serbisyo matapos na ma­hu­lihan ng droga. (Joy Cantos)

Show comments