Kinontra ni Land Transportation Office (LTO) Chief Alberto Suansing ang pag-alis o lifting ng moratorium ng DTI sa pagtanggap ng application sa pagtatayo ng Private Emission Test Center (PETC).
Sa harap ng mga PETC operators, sinabi ni Suansing na hindi siya sang-ayon sa lifting ng moratorium lalo na sa mga lugar na marami nang nag-ooperate na PETC dahil lalo lamang umano mag-iibayo ang mga insidente ng “non-appearance” testing kapag nadagdagan pa ang bilang ng mga PETC na sa ngayon ay mayroon ng cutthroat competition.
Sabi ni Suansing, ang kailangan ay magkaroon ng rationalization sa pagbibigay ng authorization o tamang bilang lamang ng PETC ang dapat mag operate sa bawat lugar alinsunod sa pangangailangan ng dami ng bilang ng mga registrants. Dapat ay isa o dalawa lamang ang PETC na maaaring mag-operate sa isang lugar na walang gaanong malaking populasyon.
Pinaalalahanan din ni Suansing ang mga negosyanteng nais magtayo ng emission test center na ang pagkakaroon ng DTI permit ay hindi nangangahulugan na bibigyan na sila ng LTO authorization upang mag-operate.
Anya ang LTO ay may kapangyarihan na magbigay ng authorization sa mga PETC na mag-operate ngunit ang pagkakaloob naman ng LTO ng authorization ay ibabase sa pangangailangan ng PETC sa isang lugar.
Mula nang dumami ang mga nag-operate na PETC, naglipana na ang non-appearance sa pagpapasuri ng usok ng mga sasakyan sa kagustuhan ng mga operators na kumita ng malaki. (Angie dela Cruz)