Itotodo na ng oposisyon ang kanilang panawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto sa pamamagitan ng kanilang interfaith rally sa Makati City ngayong araw na lalahukan ng mga militanteng grupo, relihoyoso, professional, mga dating miyembro ng Gabinete, civil society, estudyante, manggagawa, negosyante at iba pang sektor.
Sinabi ni United Opposition President at Makati Mayor Jejomar Binay na may 50,000 estudyante mula sa La Salle, Ateneo, University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines at University of Manila ang inaasahang sasama sa kilos-protesta.
Nilinaw din ni Binay na isang normal na kilos-protesta lamang ang isasagawa ng iba’t ibang grupo at hindi ito hahantong sa panibagong people power na puwersahang magpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
Nagpahayag na rin ng kahandaan ang Philippine National Police sa naturang rally.
Ayon kay Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Makati City Police, katuwang ng kanyang mga tauhan sa pagsasa-ayos ng daloy ng trapiko ang mga miyembro ng Makati Public Safety habang naka-alerto rin ang mga opisyal ng barangay.
Inihayag din ng Concerned Lawyers for Civil Liberties na binubuo ng maraming samahan ng mga abogado ang pagsama nila sa rally.
Nangako naman ang lider ng Jesus is Lord Movement na si Bro. Eddie Villanueva na magsasama siya ng mahigit 100,000 miyembro sa naturang rally bagaman mayorya ng JIL ay tumangging sumali rito. Nanawagan pa rin siya sa Pangulo na magpatawag ng snap elections.
Ginawa ng JIL ang desisyon dahil hindi malinaw kung sino ang ipapalit kay Arroyo.
Hindi naman sasali ang El Shaddai sa interfaith rally at si Pangulong Arroyo pa rin umano ang patuloy na susuportahan ng grupo hangga’t hindi napapatunayan sa korte na nagkasala ang Pangulo.
Bukod sa mga religious groups ay kasama sa rally ang mga militanteng grupo, rightist at mga civil society groups para manawagan ng pagbaba sa puwesto ng Pangulo dahil sa kinasangkutang anomalya sa national broadband project.
Dadalo rin si dating pangulong Joseph Estrada bagama’t hindi pa tiyak kung kinakailangang magsalita siya sa entablado o hindi upang maiwasan na rin ang bintang na pinupulitika lamang ang pagsasagawa ng kilos-protesta.
Binalaan naman kahapon ng Malacañang si Estrada na huwag nitong abusuhin ang kanyang “kalayaan’ sa pagdalo nito sa interfaith rally.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez, mas makakabuti kung tutulong na lamang si Erap na makahanap ng solusyon sa umiiral na ingay-pulitika dulot ng kontrobersyal na NBN-ZTE deal. (Rose Tamayo-Tesoro, Edwin Balasa At Rudy Andal)