Ibinunyag kahapon ni ZTE star witness Jun Lozada na may nakaambang assassination plot sa kanya kung saan P10 milyon umano ang pabuyang inilaan ng kanyang mga kalaban sa sinu mang makakapatay sa kanya.
“Sampung milyon piso ang patong sa ulo mo at nag-aagawan kami kung sino ang makakapatay sa iyo,” ito umano ang sunud-sunod na tawag na natanggap ni Lozada sa pagbabanta sa kanyang buhay.
Ang nasabing pahayag ni Lozada ay kanyang ibinunyag kahapon sa harapan mismo ng mga libu-libong supporters nito na dumalo sa isinagawang Mass for Truth and Accountability ng oposisyon at mga kaalyado nito sa Baclaran Church ng Pasay City.
Sinabi pa ni Lozada na isang mensahe lamang umano ang nais ipabatid ng mga “identified callers” at malinaw na nais lamang umano ng mga ito na takutin siya upang umatras o manahimik sa kanyang patuloy na pagbubulgar bilang testigo sa isinasagawang Senate inquiry sa naunsiyaming maanomalyang NBN-ZTE deal.
Ayon pa kay Lozada na sa halip na matakot ay mas lalo umano siyang naging matapang at hindi kailanman siya mapatatahimik ng sinuman sa pagbubulgar ng korupsiyon sa kasalukuyang administrasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)