Instant millionaire ang isang Pinoy matapos itong magwagi ng isang milyong dirhams (P11.044 milyon) sa raffle draw sa isang duty free sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE).
Sa ulat na tinanggap kahapon ng Department of Foreign Affairs, kinilala ng masuwerteng Pinoy na si Victor Cabote Arogar, 34 anyos.
Si Arogar, isang senior technician sa Abu Dhabi Airport Company ay palagi umanong sumasali sa raffle draw doon simula noong 2001. Siya ang kauna-unahang OFW na nanalo ng milyong dirham sa raffle prize doon.
Tuwang–tuwa naman si Arogar sa swerteng dumapo sa kanya at balak nitong ipasyal ang kaniyang pamilya sa Pilipinas sa Abu Dhabi.
Bahagi ng napanalunan nito ay gagamitin niya sa pag-aaral ng kanyang anak na babae habang ang iba pa ay puhunan sa negosyo para may pagkakitaan ang kaniyang pamilya sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. (Joy Cantos)