Naibalik na kahapon kay ZTE star witness Rodolfo Lozada ang kanyang pasaporte na kinuha umano sa kanya nang dumating ito sa NAIA mula sa Hongkong.
Ibinigay ni retired SP04 Rodolfo Valeroso ang pasaporte sa ginanap na pagdinig sa Court of Appeals (CA) 17th Division sa inihaing writ of amparo ni Lozada.
Sinabi naman ni Atty. Erik Santos, abugado ni Valeroso, noon pang Pebrero 7 binigay ng kanyang kliyente ang passport ni Lozada subalit ngayong araw lamang niya napagtanto na dapat isauli o isuko ang naturang passport sa pagdinig sa CA.
Inamin naman ni Lozada na siya ang may-ari ng passport kasabay ng pagsasabi na wala itong stamp ng immigration ng dumating siya sa bansa mula sa HK bilang patunay umano na siya ay dinukot.
Tumanggi naman ang Appellate Court na tanggapin ang passport bilang ebidensiya.
Ipinaliwanag ni Justice Celia Leagogo na maaari lamang tanggapin ng korte ang naturang passport bilang ebidensiya kapag tuluyan nang humarap sa witness stand si Lozada at ito mismo ang personal na magbibigay nito bilang ebidensiya sa korte. (Gemma Amargo-Garcia)