Hinamon kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) at Task Force Subic Chief Antonio “Bebot” Villar ang ilang mambabatas na totohanin ang banta nila na ipapabuwag ang kanyang pinamumunuang ahensiya kapag hindi ito tumigil sa paghuli ng mga smuggler.
Ayon kay Villar, nagalit ang ilang mambabatas dahil sinita niya kamakailan ang mga kargamento nila na papasok sa bansa dahil bukod sa kaduda-duda ang laman ng mga ito ay mababa pa ang binayarang buwis sa gobyerno.
Binanggit ni Villar ang isang mambabatas na nagalit dahil iniimbestigahan ng PASG ang kanyang kumpanya sa Subic makaraang matukoy na sangkot umano sa pagpupuslit ng mga smuggled na sigarilyo, alak at iba pang kontrabando.
Isa pang congressman ang nagalit daw sa PASG matapos mahulihan umano ng mga mamahaling sasakyan o smuggled car na galing sa ibang bansa.
Ani Villar, kinukumbinsi umano ngayon ng dalawang kongresista si Pangulong Arroyo na buwagin na ang PASG at Task Force Subic dahil hadlang umano ito sa kanilang iligal na negosyo. (Butch Quejada)