Mayors ‘nagsasabong’

Isang gusot ngayon ang nagaganap sa hanay ng mga alkalde na miyembro ng League of Cities of the Philippines at ng mga mayor ng mga munisipyo dahil sa pagtutol ng una na lumikha ng 27 bagong mga lungsod ang Kongreso.

Tinukoy ng LCP ang House Bill 24 na iniakda ni Zamboanga-Sibugay  Rep. Ann Hofer nitong naka­ raang Hulyo 2007. Layunin nito na gawing lungsod ang 27 pang munisipalidad sa mga probinsya na walang siyudad.

Iginiit ng Liga na hindi isinusunod ang paglikha ng mga lungsod sa itinatadhana ng Local Government Code.

Binanatan naman ni Mati, Davao Oriental Mayor  Michelle Rabat ang pagharang ng LCP sa pagiging siyudad ng kanilang bayan at tinawag na maramot ang mga lungsod na bumubuo nito.  Sinabi nito na nagmula rin naman sa pagiging munisipyo ang ka­nilang lungsod kaya wala silang karapatan na harangin ang pag-asenso ng isang bayan.

Ikinalulungkot umano nila ang pagliit ng IRA ng mga lungsod dahil sa pagdami nila ngunit nararapat na hindi magdepende ang mga ito dito. (Danilo Garcia)

Show comments