Matinding pananabon ang inabot kahapon ni Finance Secretary Margarito Teves mula kay Sen. Juan Ponce Enrile sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments.
Partikular na isinisi ni Enrile sa tanggapan ni Teves ang nagaganap na smuggling sa bansa ngayon, ang palpak na koleksiyon ng buwis at ang ‘kuwestiyunableng’ pag-downgrade sa Pall Mall cigarette na daang milyong piso umano ang nalulugi sa pamahalaan taun-taon.
Ipinunto din ni Enrile ang tinatawag na “distorted revenues” kung saan ang buwis na dapat bayaran noong 2007 ay siningil na noon pang 2006.
Sa kabila nang naranasang pagkapahiya, hindi pa rin nakumpirma si Teves bunsod na rin sa hindi masagot ang iba’t ibang paratang at isyung ipinupukol laban sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Enrile masyadong nagiging maimpluwensiya sa departamento ni Teves si undersecretary Gaudencio Mendoza na dahilan umano kung bakit nagkakaloko-loko ang tanggapan.
Muling kinuwestiyon ni Enrile ang ginawang pag-downgrade ng tanggapan ni Teves sa Pall Mall cigarette na isa sa pinakamahal na sigarilyo sa buong mundo.
“Saan ka ba nakakita, isa sa pinakamahal na sigarilyo sa buong mundo, mabibili lang ng mura sa atin? Akala ko ba kailangan natin ng matinding koleksiyon sa buwis?” sabi pa ni Enrile kay Teves na walang ibang sinagot kundi; “I will look into that Mr. Chairman (Enrile).” Nagtataka rin si Enrile kung bakit binago pa ni Teves ang naunang rekomendasyon ni dating BIR Commissioner Mario Bunag na buwisan ng P26 kada kaha ng sigarilyo ang Pall Mall.
Kaduda-duda umano na ibinaba ang buwis sa P6.74 per kaha ng sigarilyo ng Pall Mall.
Dahil sa ‘kalokohang’ ito, ayon pa kay Enrile, nalulugi ang pamahalaan ng P100 million kada taon. (Malou Escudero)