Inatasan ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na i-monitor ang mga ikinikilos ng pinalayang killer priest na si Norberto Manero kahit nasa labas na ito ng piitan.
Sa isang pahinang memorandum na ipinalabas ni Justice Secretary Raul Gonzalez, inatasan nito ang NBI na magpakalat ng mga tauhan sa lalawigan ng Cotabato at General Santos City upang subaybayan ang kilos ni Manero. Mahigpit ang bilin ni Gonzalez sa NBI na iwasan na ma-harass si Manero o ang kanyang buong pamil ya habang ipinatutupad nila ang kanilang tungkulin.
Nabatid na ipinalabas ng Kalihim ang kanyang direktiba upang malaman kung tunay na ang pagbabagong buhay ni Manero at mapanagot ito sakaling lumabag sa nilagdaang kasunduan sa kanyang paglaya.
Magugunita na pinalaya si Manero noong nakaraang buwan matapos nitong mapagsilbihan ang kanyang sentensya dahil sa kasong pagpatay kay Italian priest Father Tulio Favalli. (Gemma Amargo-Garcia)