Hindi naitago ng beteranong TV host na si Willie Revillame ang matinding pagkairita sa napalathalang exclusive report ng Pilipino Star NGAYON na sumadsad ang rating ng kanyang TV program na Wowowee sa pagdiriwang ng kanyang birthday noong Enero 26.
Nalantad “on national television” ang pagkapikon ni Revillame at tahasang sinabing hindi niya mapapaniwalaan ang resulta ng naturang rating. Binigyang diin ni Revillame na upang patunayan ang kanyang sinabi, gagawa siya ng sariling rating.
Ayon sa kanya, hinding-hindi na siya maniniwala sa anumang ratings na lumalabas ngayon dahil para sa kanya, noong nakalipas na Sabado, 80 porsiyentong ratings ang kanilang ipinagmamalaking noontime show na Wowowee.
Batay sa nakalap na impormasyon ng PSN mula sa “program performance” ng AGB-Nielsen mula sa tinatawag nilang “household ratings shares,” mahigit sa 10 porsiyento ang inilamang ng hindi matinag-tinag na Eat Bulaga ng GMA 7 kumpara sa nakuhang rate ng Wowowee ng ABS-CBN 2.
Ang masakit nito, kahit sabihing naging “star studed” ang birthday celebration ni Papie (tawag kay Revillame), mukhang hindi ito naging epektibo para tangkilikin pa ng husto ng mga manonood ang kanilang programa.
Ilan sa mga naging panauhing pandangal ni Willie ay sina Vice-President Noli de Castro at ang itinuturing na comedy king ng pelikulang Pilipino na si Dolphy.
Ang klasik dito, habang “nagngangawa” si Revillame, isang contestant na nagngangalang Jay-Ar Mendoza, mula Los Banos, Laguna at ang home partner nitong si Ma. Virgina Bacomo ng Gagalangin, Tondo ang nanalo ng P1.05 million mula sa Taktak Mo at Tatakbo portion ng Eat Bulaga.