Desidido ang mga lehitimong empleyado ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na ipakulong ang dati nilang kasamahan na tagapagsulong ng pekeng union sa kanilang tanggapan.
Patung-patong na kaso ang isinampa ng may 4,000 miyembro ng TESDA-Association of Concerned Employees (ACE) sa Department of Justice (DoJ) laban kay Annie Geron, residente ng Lot 3, Block 13, Adelina I, San Pedro, Laguna dahil sa umano’y patuloy na pagpapanggap nito bilang pinuno ng unyon na hindi naman nila kilala at lalong hindi recognized ng Department of Labor and Employement.
Si Geron ay sinampahan ng kasong misrepresentation, unjust vexation at usurpation of authority dahil sa pagpapakilalang pinuno siya ng Samahan ng Malaya at Nagkakaisang Kawani (SAMAKA) at humihiling ang grupo ng TESDA-ACE ng P1 milyon bilang danyos; P50,000 attorney’s fee at pagkakakulong ng sapat na panahon.
Sinabi ni Sonia Lipio, pangulo ng lehitimong unyon na TESDA-ACE, iritable na ang mga opisyales at miyembro ng kanilang unyon hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Pilit kasi umanong kinakaladkad ni Geron ang mga empleyado ng TESDA sa isang isyung halata lamang na nais nitong gumanti kay TESDA director Augusto Syjuco. Si Geron ay sinibak ni Syjuco dahil sa iba’t ibang uri ng kaso sa kanilang ahensiya. Bahagi rin ito ng kampanya ni Syjuco para malinis ng husto ang buong TESDA.
Sa panayam, sinabi ni Atty. Averill Amor, abogado ng TESDA-ACE, paglabag sa Article 287 at 177 ang kinakaharap na kaso ni Geron na may nakaabang na pagkakakulong na prison correctional at arresto-menor. (Butch Quejada)