Manero lumaya na
Matapos ang ilang araw na pagka-udlot ng paglaya, tuluyan nang nakalabas kahapon sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa ang convicted priest killer na si Norberto Manero Jr.
Ito ay matapos na pirmahan kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang release paper at endorsement paper para sa Director ng Bureau of Correction ni Manero at personal na iabot sa abogado nito na si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta.
Kaagad namang dinala ni Acosta ang naturang release paper sa NBP kung saan naghihintay si Ma nero at asawa nito.
Sinabi ng Kalihim na wala ng legal na basehan upang hindi matuloy ang paglaya ni Manero dahil napagsilbihan na nito ang sentensiya sa NBP.
Iginiit ng Kalihim na nagkaroon ng kalituhan sa record ni Manero matapos bawiin ni dating Pangulong Joseph Estrada ang commutation of sentence na nauna ng ibinigay sa priest killer ng masentensiyahan ito ng habambuhay na pagkabilanggo noong Setyembre 4, 1987.
Subalit base umano sa doktrina, hindi na maaring bawiin ang commutation of sentence sa sandaling makumpleto na ang proseso nito.
Nilinaw naman ni Gonzalez na hindi maaring idemanda ni Manero ang gobyerno kung nabinbin man ang paglaya nito subalit kung pipigilan naman ng gobyerno ang kanyang paglaya ay maaari namang labagin ng pamahalaan ang Revised Penal Code at puwede silang sampahan ng kasong arbitrary detention.
Si Manero at mga kapatid nitong sina Edilberto at Elpidio, mga dating miyembro ng Integrated Civilian Home Defense Force at miyembro naman ng Ilaga group na siyang lumaban sa Moro separatist noong dekada ’70, ang pumatay at umano’y kumain ng utak ni Italian priest Tullio Favali sa Tulunan,
Napalaya naman ang mga kapatid ni Manero noong Mayo 29,2003 matapos na makulong ng halos 18 taon. (Gemma Garcia/Rose Tesoro)
- Latest
- Trending