CARP ipapabuwag ng landowner na solons
Sa halip na palawigin pa, mas nais ng isang grupo ng mga mambabatas na buwagin na lamang ang Comprehensive Agrarian Reform Program ng pamahalaan.
Ito ang kinumpirma kahapon ng isang mapagkakatiwalaang impormante sa House of Representatives na nagsabing ang naturang mga mambabatas ay nagmamay-ari ng mga lupain sa kani-kanilang lalawigan at sinasabing boboto sa plenaryo sa mga susunod na linggo para ipawalambisa ang CARP.
Ayon pa sa impormante, ang naturang mga kongresista ay nagsama-sama upang “ipaglaban ang iisang layunin” at hindi mapasailalim sa comprehensive agrarian reform program ang kanilang lupain at hindi maipamahagi ang mga ito sa mga magsasaka na walang sariling lupain.
Tumanggi naman ang impormante na ibunyag ang pangalan ng mga mambabatas ngunit nilinaw na hindi kasama sa mga naturang kongresista si Presidential brother-in-law Iggy Arroyo.
Sa kabilang dako, sinabi ni Department Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman na wala siyang alam sa naturang hakbang.
Sa kaniyang pagkakaalam, karamihan sa mga miyembro ng House of Representatives ay pabor sa pagpapalawig sa CARP ngunit hanggang sa anim na taon lamang bagaman 10 taon ang hinihinging ekstensyon ng DAR para sa nasabing programa.
Ipinaliwanag ng Kalihim na mayroon pang 1.2 milyon ektarya ng lupain na ina-acquire ng pamahalaan at hindi sapat ang anim na taon upang gawin ito.
Iginiit ni Pangandaman na kinakapos na sila ng panahon dahil kinakailangan pa nilang makuha at maipamahagi ang may 1.2 milyon ektarya ng lupain.
Maliban dito, mahigit sa 2,000 mga land disputes pa umano na nakabinbin sa kanilang ahensya na kailangan nilang resolbahin.
Gayunman, optimistiko ang Kalihim na palalawigin ng Kongreso ang land reform. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending