Hindi umano dapat na makinig na lamang ang pamahalaan sa mga sabi-sabi tulad ng intelligence reports na may panibagong banta ng destabilisasyon kundi mas dapat na alamin nito ang dahilan kung bakit may banta at kung totoo na may pag-aalburuto ang ating mga sundalo.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, sa panayam sa isang istasyon ng radyo kaugnay sa balitang mag-aalsa muli ang mga sundalo upang pabagsakin ang administrasyong Arroyo.
Hinimok din ng Arsobispo ang publiko na kailangang mapagmatyag at suriin ang tunay na dahilan nang balita na may panibagong destabilisasyon.
Paliwanag niya, dapat na magsuri ding mabuti ang bawat isa upang maliwanagan ang mga tunay na nangyayari sa bansa at hindi magpadala na lamang sa mga espekulasyon.
Wala namang naging komento si Iniguez sa isyu na ang banta ay pakana ng gobyerno upang mapalawig ang termino ni AFP Chief Hermogenes Esperon at makapagdeklara ng martial law.
Aniya, hindi dapat dumepende ang sinuman sa mga bali-balita lamang kundi mag-isip at magmatyag.
Una nang naungkat na may planong destabilisasyon sa darating na Enero 22 o Mendiola massacre anniversary nang sabihin ni Justice Secretary Raul Gonzalez na kaya lamang siya nagpalabas ng media advisory ay dahil sa posibleng destabilisasyong niluluto. (Ludy Bermudo)