Hospital holiday ‘di mapipigil ng DOH
Inamin ng Department of Health (DOH) na hindi nila kayang pigilan sa pagsali sa hospital holiday ng mga private doctors dahil ang mga doktor na nasa gobyerno lamang ang kanilang maaaring pigilan at kasuhan.
Ayon kay DOH Undersecretary Alexander Padilla, hindi nila saklaw ang mga private doctors ngunit maaari naman nilang bawiin ang lisensiya ng mga government doctors na lalahok sa hospital holiday.
Aniya, maaari lamang nilang kalampagin ang konsensiya ng mga private doctors kung saan gagamitin nila ang kanilang mga pasyente na may sakit.
Sinabi ni Padilla na nakatitiyak naman sila na hindi lalahok sa anumang strikes o walkouts ang mga government doctors sa pangamba na matanggalan ng lisensiya.
Naging matigas naman ang panininindigan ng mga miyembro ng Philippine Medical Association (PMA) na kanilang itutuloy ang hospital holiday upang ipakita ang kanilang pagtutol sa probisyon sa ilalim ng Cheaper Medicines Bill kung saan pinagbabawalang magreseta ng mga branded na gamot ang mga doktor.
Subalit ayon kay Padilla, sa ilalim ng Generics Law, ipinatutupad na ang pagpeprescribe ng mga doktor ng mga Generic Medicine ngunit 10 porsiyento lamang dito ang sumusunod at nagrereseta ng mga generic na gamot.
Ipinaliwanag ni Padilla na hindi naman mahalaga kung ang gamot ay branded o generic kung ito ay pumapasa naman sa standard ng Bureau of Food and Drugs.
Handa naman si Health Secretary Francisco Duque III na makipagdiyalogo sa PMA upang mapag-usapan ang problema at masolusyunan ng hindi na aabot pa sa hospital holiday na nakatakda sa Enero 27.
Iginiit naman ni PMA president Jose Sabili na sakaling matuloy ang kanilang rally ay bukas naman ang emergency at operating rooms para sa mga emergency cases. (Doris Franche)
- Latest
- Trending