Hospital holiday banta ng mga doktor
Inatasan kahapon ni Pangulong Arroyo ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa Philippine Medical Association (PMA) kaugnay sa bantang hospital holiday ng mga doktor kapag hindi inalis ang kinukuwestyong probisyon sa Cheaper Medicines Bill.
Sinabi ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, dapat ay magkaroon ng pag-uusap ang DOH at PMA dahil hindi naman makukuha sa ganitong pamamaraan ang solusyon sa hindi pagkakasundo sa nilalaman ng batas.
Wika ni Sec. Bunye, ang mga kawawang pasyente ang maiipit sa ganitong sitwasyon at hindi ito makakabuti para sa pangkalahatan sakaling ituloy ng PMA ang banta nilang hospital holidays.
Ipinaubaya naman ng Malacañang sa Kongreso ang pag-aaral sa probisyon ng Cheaper Medicine Bill kung saan ay ipinagbabawal sa mga doctor ang pagrereseta ng mga branded na gamot at generics lang ang pwede.
Ayon kay PMA President Dr. Jose Sabili, kung hindi mapipigilan ang probisyon ay malalagay umano sa panganib ang kalusugan ng publiko kaugnay na rin ng mga gamot na kanilang iniinom.
Ipinaliwanag ni Sabili na hindi lahat ng mga generic na gamot ay kasing epektibo ng mga branded na gamot. Karamihan umano sa mga ito ay kailangan ang maramihang paggamit upang maging epektibo.
Sinabi rin ni Dr. Rey Melcor Santos, vice-president ng PMA, sa sandaling hindi gumaling ang pasyente dahil sa ibinigay nilang gamot na generic ay siguradong sila ang sisisihin nito at hindi naman ang gobyerno o Kongreso na gumawa ng nasabing batas. (Rudy Andal/Doris Franche)
- Latest
- Trending