Kriminal lang ang takot sa nat’l ID
Terorista, rebelde at mga elementong kriminal na kalaban ng estado ang takot sa panukalang implementasyon ng kinukuwestiyong national identification (ID) cards system sa bansa.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Avelino Razon Jr., kaugnay ng mga pagbatikos sa panukalang buhayin muli ang national ID system.
Ayon kay Razon, nag tataka siya kung bakit naging malaking isyu ang nasabing hakbangin gayong para ito sa pambansang seguridad at malaki ang maitutulong sa transakyon sa mga ahensiya ng gobyerno. Muli ring nilinaw ni Razon na sa kanilang aspeto ng ID system, hindi kailangang gumawa ng panibagong ID cards para sa lahat.
Ipinaliwanag ng heneral na ang kailangan lamang ay i-consolidate ang lahat ng data na nilalaman ng lahat ng ID cards ng isang tao at ipapasok sa database.
Sinabi ni Razon na lahat naman ng tao ay may ID cards mula sa mga estudyante hanggang sa mga empleyado kaya’t hindi ito dapat ikabahala.
Kaugnay nito, bumuo na ng komite si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. upang siyang gumawa ng pag-aaral sa napipintong pagbuhay muli sa nasabing panukala na mahigpit na tinututulan ng mga kritiko partikular na ng mga militanteng grupo.
Ayon kay Teodoro, isa sa magiging kontro bersyal na isyung tatalakayin nila ay ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao.
Magugunita na inatasan ni Pangulong Arroyo si Teodoro na tingnan ang lahat ng anggulo upang hindi malabag ang karapatan ng mga pribadong indibidwal sa harap na rin ng pagbuhay sa panu kala. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending