Engineering board exam: Retake ipinahaharang
Hiniling kahapon sa Court of Appeals ng mga examinees sa nakalipas na Engineering Board Examinations na harangin sa pamamagitan ng temporary restraining order ang ‘retake’ na itinakda ng Professional Regulations Commission para sa naturang pagsusulit.
Sa inihaing petition for certiorari, mandamus and prohibition sa CA ng 13 civil engineering graduates, sa pamamagitan ni Atty. David Erro, nais nila na saklolohan sila ng CA upang hindi na muli pang sumalang sa board exam sa Enero 12, 2008 kaugnay sa naging pagsusulit noong Nobyembre 17 at 18, 2007.
Nais ng mga petisyuner na sa halip na re-examination ay magtakda na ang PRC ng petsa ng panunumpa ng mga nakapasa sa board exams.
Una nang nabunyag ang umano’y anomalya sa ginanap na civil engineering board examinations matapos mahuli ang dalawang examinee mula sa Cagayan de Oro examination center na may kodigo sa cellphone.
Naging mas matibay pa ang alegasyon nang makita na maraming examinees ang nakapagtala ng perfect score sa mga kinukwes tyong subjects.
Sa panig naman ng mga examinees, iginiit nila na hindi imposibleng masagot nila ng tama ang mga katanungan sa exams sa dalawang subject dahil sadyang madali ang mga ito. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending