Sa hagdanan papuntang basement ng Glorietta 2 mall sa Makati City umano “itinanim” ang bomba na sumabog noong Oktubre 19, ayon sa Philippine Bomb Data Center na nag-imbestiga sa malagim na insidente.
Salungat ito sa teorya ng mga tagasiyasat ng Philippine National Police na ang eksplosyon ay bunga ng natipong methane gas at diesel sa naturang mall sa Makati.
Sa lakas umano ng pagsabog, binaklas ng bomba ang makapal na semento na nakabalot sa load-bearing beam at binaluktot ito na parang pretzel. Wala umanong crater dahil sa may gitna ng hagdanan inilagay ang bomba.
Isang larawan ang ipinalabas ng mga imbestigador upang patunayan ang kanilang konklusyong bomba ang dahilan ng pagsabog sa Glorietta-2. Gumamit ang bomb experts ng mga pantaling straw para ipakita ang trajectory ng explosion.
Una nang sinabi ng pulisya na gas ang sumabog, subalit ayon naman ng Ayala Land na may-ari ng Glorietta, hindi anya pwedeng diesel dahil naiwan pa ang diesel sa loob ng tangke. Hindi rin daw pwede ang methane dahil ang sump pit (hindi septic tank) nito ay kasinlaki lang ng tatlong dram at ito ay puro sariwang dumi ng tao lamang ang laman.
Dahil may elementong RDX na nakita sa basement. Ibig sabihin, bomba talaga ang sumabog, anang isang impormante.
Ang RDX ay ang main component ng C4, isang bombang militar.
Pero sabi ng source, unti-unti nilang ilalabas ang kanilang nalalaman kapag ipinilit ng pulisya na gas ang sumabog.
Matagal nang kinukwestyon ni Cong. Rufino Biazon ng Muntinlupa kung bakit ayaw tingnan at bigyang-diin ng mga awtoridad ang RDX findings.
Nagtataka siya kung bakit pinipilit ang gas explosion na wala namang pruweba at tinatalikuran ang isang matibay na ebidensiya.
Inaasahang ilalabas na ng PNP ang pinal at opisyal na resulta ng pagsisiyasat sa darating na linggo. (May ulat si Joy Cantos)