Hinatulan ng 10 taong pagkabilanggo ang isang Pinay sa Kuwait matapos nitong mapatay ang palikerong Pinoy boyfriend nitong Marso.
Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA), napatunayan ng Kuwaiti court na guilty si Minerva Tayag, tubong Brgy. Ayala, Magalang, Pampanga sa kasong pagpatay sa kanyang boyfriend na si Rolando Casulang, 50, tubong Surigao, isang X-ray technician sa isang military hospital doon.
Si Casulang ay namatay matapos buhusan ng kumukulong langis sa mukha ng nagselos na si Tayag na hindi pa umano nakuntento ay pinukpok pa ang biktima ng matigas na bagay sa ulo. Naganap ang krimen noong Marso 10, 2007. Naratay pa ang biktima sa ICU sa isang ospital sa Kuwait subalit binawian din ng buhay.
Nagawa umano ni Tayag ang krimen ng matuklasang bukod sa kaniya ay mayroon pang ibang girlfriend ang kan yang kasintahan.
Nakikisimpatiya naman si Philippine Ambassador to Kuwait Ricardo Endaya sa mga kamag-anak ni Casulang sa sinapit nito.
Gayunman, nakatakdang umapela ang panig ng prosekusyon para maibaba pa sa anim hanggang walong taon ang hatol kay Tayag. (Joy Cantos)